Magkakasya na lamang ako
(Iris Castro)
*All characters' names were already altered because the original piece is missing. But I strived hard to come up with a story exactly the same as the first one.
Kriiiiinnnggg.....Namputsa, alas siete na naman ng umaga, kailangan ko nang gumising kahit labag sa kalooban at mata ko. Bad trip naman kasi si Empoy e, pinilit pilit ba naman akong maglasingan kami kagabi kahit alam niyang maaga ang klase ko ngayon....nagpapilit naman ako. Langhiya talaga o.
7:30 ng umaga ang klase ko kaya pasantabi na lang po kung hindi na ako magogoli. Ano ba naman ang magpaligo na lang ako ng pabango...Hindi naman mahahalata ni Isay kung naligo ako o hindi...
Ganito ang routine ko sa umaga, pumapasok sa eskwela ng may hang-over at minsan hindi naliligo lalo na pag alam kong mali-late na ako. Lagi nga akong sinesermunan ng nanay e, dahil panay daw ang lagok ko ng bilog. Ang sagot ko naman, ok lang yun basta hindi ako nagpapabaya sa pag-aaral. Katwirang alam kong mali pero nang dahil sa katigasan ng ulo nagagawa kong ituwid minsan.
Haaay, ito ang ayaw ko sa LRT, siksikan, tulakan, hipuan at kung anu-ano pa. Anjang merong mamang amoy bayabas, may aleng malansa meron namang babaeng nilosyang na ng panahon. Meron naman mukhang balyena na hindi ako nilulubayan sa pagkakatitig. Pero hindi naman mahalaga ang hirap na dinaranas ko sa pang araw-araw kong pamumuhay, basta makita ko lang si Isay.
Haay, nakalimutan kong banggitin. Si Isay nga pala ang bestfriend ko simula ng unang taon ko sa kolehiyo. Si Isay ang katuwang ko kapag pinaghihinaan ako ng loob. Si Isay ay mahina sa Trigo pero hanep naman bumanat sa Ingles. Si Isay na nakilala ko sa isang Org na hindi ko sigurado ang dahilan bakit ko sinalihan. Na malamang lang sa hindi siya rin ang dahilan. Saan ka ba nakakita nang Fine Arts Student na parehong kaliwa ang paa pero Org ng dance troupe ang sinalihan. Bwahahaha. Si Isay na matampuhin kaya alaga kong alaskahin. Si Isay na magaling magpasuyo na siya ko namang gustung gustong gawin. Na ang balat ay akala mo ginto lalo na't pag nasisinagan ng araw. Na animo'y ang Buck ay parang tinta ng pusit sa itim. Sabi nila hindi naman daw perpekto ang ganda ni Isay pero, perpekto siya para sa akin. Si Isay na mabait at maalalahanin.....at ang masakit, si Isay ay pagmamay-ari na ng iba pero sinisinta ko pa rin. Oo, masakit pero wala naman akong magawa.
Ilang beses na akong nagtangkang umamin pero lagi na lang nauudlot. Hindi ko talaga alam kung pinanganak akong torpe o natatakot lang akong mabasted. Pero ang higit kong kinatatakutan ay mawala ang pagkakaibigan naming matagal kong iningat ingatan. Sabi ni Empoy, ang tanga tanga ko daw, anjan naman daw si Digna na kapitbahay namin at patay na patay sa akin. Halos ialay na nga ang sarili sa akin e, mahalin ko lang. Pero hindi talaga mapipilit ang puso. Aba,kahit pa mukha akong tarantado, gago at manyakis minsan e, marunong naman akong umibig ng tapat at wagas. (Atin-atin lang 'to ha....hanggang ngayon wala pa nga akong karanasan sa....alam mo na) Hinihintay ko kasi si Isay e, kahit alam kong suntok sa buwan na maging kami.
Mahal na mahal niya kasi si Mark, yung boyfriend niya. Mayaman, gwapo, pero babaero. Mabait lang talaga si Isay dahil natitiis niya ang mga panloloko ng syota niya. Ewan ko ba, bakit ganito ang buhay. Kung ako lang si Mark magtitino na ako para hindi ako mawalang ng girlfriend na singbait, singganda at singtalino ni Isay.
Padre Faura Station. Ayan naaliw tuloy ako sa kakakwento, hindi ko namalayan bababa na pala ako. Alas otso na pala. huli na naman ako sa unang klase ko. Di bale tambay na lang muna ako sa batibot. Isang puno na sinementuhan ng pabilog kaya tinaguriang batibot.
Kung gaano kahalaga sa buhay ko si Isay, ganito rin siguro ang batibot na ito. Dahil marami na itong nasaksihang pangyayari gaya ng pagtangis ko kapag ako ay nasasaktan, gaya ng mga estudyanteng nagyoyosi ng patago, mga nagbibreak na lovers at marami pang iba. Gaya ng dalawang magsyota ngayon na sa tingin ko ay nagaaway. Tila yata nais nang hiwalayan ng lalaki ang babae pero nagmamakaawa ang huli. Para tuloy nakikita ko si Isay sa katayuan ng babae. Nagbababa ng pride at nagpapakamartyr para lang hindi iwan ng boyfriend. Haaay, Isay kung alam mo lang ang nararamdaman ko para sa iyo. Posible kayang mahalin mo rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo.
Sinubukan kong humakbang papalapit sa batibot para masipat kong mabuti kung ano na ang nangyayari, ngunit nakita kong tuluyang napigilan ng babae sa paglayo ang lalaki. Niyakap nila ang isa't isa at tila nagkasundo. Pansumandaling inilapat ng lalaki ang kanyang mga labi sa babae na parang pinapatahan (o para bolahin lang ulit). Kaawa-awanng babae.
Habang papalapit ako ng papalapit sa kanila. Isang katotohanan ang aking natuklasan. Kasabay ng pagdaloy ng mga luha ko sa pisngi ang pagguho ng natitira kong pag-asa na balang araw maamin ko rin kay Isay ang nararamdaman ko. Dahil si Isay pala at si Mark ang magsyota sa batibot. Wala akong maapuhap na tamang salita para mailarawan ko ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Parang gusto ko nang umuwi at tuluyang makipag inuman kay Empoy. Parang pinira-piraso ng maliliit ang puso ko sa sakit. Hindi ako makahinga at nahihirapan akong lumunok.
Marahil hindi kami para ni Isay sa isa't isa. Hindi ko alam kung saan ko hhagilapin at paano ko ulit iipunin ang lakas ng loob na magtapat sa kanya. Dapat siguro na makuntento na lang ako sa kung anong meron kami. Magkakasya na lamang siguro akong tanawin siya mula sa malayo at suyuin pagkatapos pikunin....