Ang Puto Bumbong at Bibingka ni Aling Maria
(Iris Castro)
Wooossshhh…sabi ng hangin sa labas. Malamig na dito sa lugar na kinaroroonan ko. Nobyembre na kasi eh. Nagsimula nang maging mas mahaba ang gabi sa umaga, kaya mas mahaba na rin ang tulog ko. Nailabas ko na rin ang mga pangmalamig ko, laspag na naman ang heater sa banyo at ang masama nito ang hirap na namang gumising sa umaga para maligo at pumasok sa trabaho.
Wooossshhh…ang lamig na talaga. Nobyembre na kasi eh, bakit wala akong nakikitang “shopping rush” sa mga department stores? At ang mga Chrismas decors parang limitado ang nakasabit? Hindi tulad dati, September pa lang, puno na ng mga maiilaw na parol ang kalsada. Pagpasok pa lang ng “ber”, nagkikris kringle na, o di kaya maaamoy mo na ang puto bungbong sa kanto. Naglilista ka na ng mga pangalan ng tao na reregaluhan mo pagsapit ng pasko, para nga naman wala kang makalimutan. Ang mga tao naman ay inihahandan na rin ang mga sarili sa pagbuo ng simbang gabi. At ang bibingka ni Aling Maria, aysus, ang sarap talaga, nakakailan nga ako nun e, sabayan mo pa ng mainit na tsokolate. Pero pagbaba ko ng bahay, wala rin akong nakitang Aling Maria na nagbebenta ng puto bumbong at bibingka. Hmpt!!! Nasan na kaya sila?
Makapanood na nga lang ng TV….ayun si Yeng, kinakanta ang Jingle Bells. Larawan ng pasko at imahe ng kabataan. Punung puno ng kainosentehan. No wonder, hit na hit ngayon ang Hawak-Kamay na siya rin ang sumulat. Galing sila nina Rosita at Irish sa SM Ace Hardware at namili ng decors para sa Academy. Ayun, tuwang tuwa sa Dancing Santa. Para talagang bata. Napaikot ang mata ko…Ako lang palang magisa sa kuwarto. Wala ang mga kasama ko.
Biglang akong nakaramdam ng matinding kalungkutan. Bigla kong gustong yakapin ang Mama at Papa ko. Bakit ibang iba ang diwa ng pasko ngayon. Bakit ako malungkot? Bakit ako naiiyak? Bakit tila walang ganong parol na nakasabit sa kalsada? Nasan na ang mga makukulit na batang nangangaroling? Bakit wala yata akong nakikitang naghahanda para sa simbang gabi? Nasan na ang mga regalong binalot ng magulang ko para sa akin? Kahit maliit na Christmas tree man lang, wala rin. At higit sa lahat, nasan na rin si Aling Maria, gusto ko pa naman sanang mamakyaw ng puto bungbong at bibingka?
Bigla akong nanlumo. At tuluyang umagos ang aking mga luha. Bakit ako naghahanap ng mga bagay, na hindi ko makikita dito? Nakalimutan ko na wala nga pala ako sa bayan ko. Na kahit may kahirapan at kaguluhan, mahal ko pa rin. Wala pa ring tatalo sa ‘Pinas. Lalo na ang tradisyon sa Pasko, napakasaya, walang katulad. Nasasabik ako sa bayan ko, lalong lalo na ngayon papalapit na ang pasko. Ppppfffff………